“Price control” at pagbabawas sa importation, inirekomenda ng oposisyon sa Kamara para makabawi ang bansa sa paghina ng piso

Pinakikilos ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang Marcos Administration sa paglalatag ng “price control’ at pagbabawas sa pag-aangkat ng mga produkto.

Ang suhestyon ng kongresista ay kaugnay na rin sa pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar.

Dahil importer ang Pilipinas ng pagkain at langis, asahan na aniya ang lalo pang pagtaas ng mga produktong petrolyo at mga basic commodities sa bansa.


Giit ni Brosas, dapat na agad na magpatupad ng “price control” sa mga pangunahing bilihin tulad ng mahigpit na implementasyon ng “price ceiling”.

Pinababawasan din ng kongresista ang “dependence” ng bansa sa pagaangkat ng agricultural products at iba pang imported na produkto.

Binigyang diin ng progresibong mambabatas na mas dapat na buhusan ng suporta ang paglinang sa domestic agriculture at pagtatayo ng national industries.

Ikinalulungkot pa ni Brosas na ang mga ordinaryong Pilipino ang pumapasan sa epekto ng paghina ng piso bunsod ng mabilis na pagtaas ng inflation o pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Facebook Comments