Price control ng galunggong, inirekomendang ipatupad ng DA

Inirekomenda ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na magtakda ng “price control” sa mga food items tulad na lamang sa galunggong na binabalak iangkat ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Zarate, kung ang sinasabi ng DA na mataas ang presyo ng pagkain, dapat na pag-aralan na ng ahensya ang paglalagay ng kontrol sa presyo ng bilihin tulad sa isdang galunggong.

Bukod dito, dapat na pag-aralan na rin ng pamahalaan ang mga hakbang na magbibigay proteksyon para mapababa ang inflation o mabilis na pagtaas sa presyo ng mga produkto at serbisyo.


Dapat na ring seryosohin ng gobyerno ang pagtugis sa mga nananamantala at nagmamanipula sa pagtaas ng presyo.

 

Palagi na lamang aniyang default solution ni Agriculture Secretary William Dar ay importation kahit pa ang masasakripisyo rito ay kabuhayan ng mga nasa local agriculture industry.

Pinapa-regulate rin ng kongresista ang oil industry dahil ang walang pakundangang pagtaas sa presyo ng langis ay nakadaragdag sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain.

Pinapalawig din ng mambabatas ang subsidy o tulong sa agricultural sector partikular sa mga magsasaka, mangingisda at mga hog at poultry raisers.

Facebook Comments