Iginiit ni Senador Imee Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad muli ng ‘price freeze’ sa lahat ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Marcos, ito ay upang mapigilan ang pagsasamantala ng mga negosyante habang umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sinabi ni Marcos, na tiyak na sasamantalahin ng mga tiwaling negosyante ang 15 araw na MECQ para itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Binigyan- diin pa ni Marcos na kailangang bantayan ang presyo ng manok, baboy, isda, mantika, noodles, bigas, de latang sardinas, tinapay at iba pang mahahalagang produkto na kalimitan ay binibili ng mahihirap na consumers o mamimili.
Ipinaalala ni Marcos, na noong Marso ng isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa State of Public Health Emergency at nagpatupad ng Enhanced Community Quarantine ay nagpatupad din ng price freeze ang DTI, Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng isang joint memorandum.
Umaasa si Marcos, na gagawin uli ito ng gobyerno ngayon dahil hirap na hirap na talaga sa buhay ang bawat pamilya dulot ng COVID-19 pandemic.