‘Price freeze’, hiniling na ipatupad sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 7 na lindol

Hinikayat ni Pinuno Partylist Rep. Howard Guintu ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng ‘price freeze’ sa mga lugar sa Northern Luzon na tinamaan ng magnitude 7 na lindol.

Hirit ng kongresista na ipatupad ang ‘price freeze’ sa mga essential na produkto sa mga lugar na idineklara ang ‘state of calamity’ bunsod ng pinsalang iniwan ng lindol.

Tinukoy ng kongresista ang Price Act o Republic Act 7581 kung saan nakasaad na ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin ay mananatili sa kasalukuyang presyo sa loob ng maximum na 60 araw lalo na sa mga lugar na deklaradong disaster area o nasa ilalim ng state of calamity o emergency.


Maliban sa implementasyon ng price freeze, pinatitiyak din ng kongresista sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa iba pang ahensya ng gobyerno na sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa Abra at sa iba pang lugar na tinamaan ng lindol.

Mahigpit ding pinababantayan ng mambabatas sa mga ahesya ang presyo ng mga pangunahing bilihin doon pati na ang posibleng pananamantala na gagawin ng iba sa gitna ng trahedya.

Bukod pa sa DTI na sakop ang mga basic goods sa merkado ay pinakikilos din ni Guintu ang Department of Agriculture (DA) para bantayan ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura at Department of Health (DOH) para naman sa mga presyo ng gamot.

Facebook Comments