Bicol – Nakatakdang mag-inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang pamilihan sa Bicol Region kaugnay ng ipinatupad na price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity kasunod ng pananalasa ng bagyong Usman.
Ilang reklamo kasi mula sa mga residente ang nakarating sa DTI hinggil sa pagtataas ng presyo ng ilang produkto.
Ayon kay DTI Bicol Spokesperson Jocelyn Berango – ilan sa mga natanggap nilang reklamo ay ang pagmahal ng presyo ng tinapay at kandila na kabilang sa mga prime commodities.
Babala ng opisyal, mahaharap sa parusa ang mga may-ari ng tindahan na mapapatunayang lumabag sa panuntunan ng price freeze.
Samantala, bukod sa pagpapatupad ng price freeze, naka-monitor din ang DTI para matiyak na sapat ang suplay ng mga produkto sa mga pamilihan.
Kung kinakailangan, magpapadala ang DTI ng “diskwento caravan” para makapagbenta ng mas murang bilihin sa mga naapektuhan ng bagyo.