Hiniling ni Senator Francis Tolentino sa Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng price freeze o pagbabawal sa pagtaas sa presyo ng bisikleta.
Ang rekomendasyon ni Tolentino ay kasunod ng mga report nang biglang pagtaas sa presyo ng bisikleta at mga spare parts nito ngayong marami ang bumibili.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Tolentino na maaaring ibilang ang bisikleta sa listahan ng mga produkto na pagbabawalang magtaas ng presyo dahil maituturing itong pangunahing pangangailangan ngayong nasa national emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Aniya, ang bisikleta ay alternatibong magagamit ngayon ng publiko sa gitna ng sitwasyon dulot ng pandemic kung saan wala pang bumabyaheng jeep at limitado rin ang pwedeng isakay ng bus, gayudin ang mga tren ng MRT at LRT.