Price freeze sa kuryente, tubig, renta, pamasahe at iba pa, isinusulong ng isang Kongresista hanggang Disyembre

Hiniling ni Deputy Majority Leader Bernadette Herrera na i-freeze o huwag munang magpataw ng dagdag singil sa utilities, rentals, pamasahe at iba pang serbisyo mula sa pampubliko at pribadong sektor.

Umapela si Herrera sa Inter-Agency Task Force na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang across-the-board freeze sa singil sa kuryente, tubig, transportasyon, commercial at housing rentals at iba pang serbisyo hanggang sa Disyembre.

Ayon kay Herrera na isa sa mga main authors ng Public Service Act, kung magpapatupad ng paghinto sa dagdag sa singil ay makakatulong ito sa mga maliliit na negosyo, middle-income earners at sa mga pinakamahihirap na pamilya na makabawi sa naging epekto sa buhay ng COVID-19.


Iginiit pa ng lady solon na maging ang mga dagdag singil na unang inaprubahan bago ang paglaganap ng Coronavirus sa bansa ay kasama din sa freeze hike.

Iminungkahi din ng Kongresista na kapag naman ipinatupad ang rate hikes sa susunod na taon ay gagawin itong pautay-utay ng ilang buwan at hindi isang bagsakan.

 

Facebook Comments