Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi maisasantabi ang two-dose primary vaccination series sa harap ng pagbibigay ng COVID-19 booster shots sa mga nasa A1, A2 at A3 priority groups.
Matatandaang noong Lunes, November 15 ay sinimulan na ang pagbibigay ng booster shot sa mga medical frontliners habang ngayong araw ay pinayagan na ring maturukan nito ang mga senior citizen at may comorbidities.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje na sapat naman ang suplay ng bakuna sa bansa.
Kasabay nito, hinimok ni Cabotaje ang publiko na samantalahin ang 3-day national vaccination sa November 29 hanggang December 1 lalo na ang mga wala pang natatanggap maski isang dose ng bakuna.
Aniya, kapag tumaas ang vaccination rate matapos ang tatlong araw na national vaccination, posible itong maging basehan para mas maagang masimulan ang pagbibigay ng booster dose sa general population.
Sa ngayon, nasa 63% na ng target population ng bansa ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna habang 42% na ang fully vaccinated.