Nagpahayag ng suporta ang Department of National Defense (DND) sa mga priority bill na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kanyang nabanggit sa State of the Nation Address (SONA) kahapon.
Ayon kay Defense Public Affairs Service Director Arsenio Andulong, kumpiyansa sila na sa muling pagbuhay ng Reserve Officer Training Course (ROTC) sa mga senior high school student ay makatutulong upang maihanda ang mga kabataan sa national preparedness at disaster response.
Sinabi pa nito na suportado rin ng DND ang isinusulong na pag-amyenda sa National Defense Act na layuning makatugon sa banta ng cyber at cognitive warfare, terorismo at climate change.
Kumpiyansa rin ang opisyal na mapapabilis ang pagsulong sa unified system ng separation, retirement at pensyon ng militar dahil kabilang ito sa priority bills ng Marcos administration.