Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang lalaki na itinuturing na priority list ng PRO2 at numero unong Target list ng PDEA sa Lalawigan ng Isabela na nadakip ng mga alagad ng batas sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLTCol Virigilio Abellera Jr., hepe ng PNP Ilagan City, nakasuhan na sa pamamagitan ng inqueest proceedings ang suspek na kinilalang si Roderick Tagao, 32 taong gulang, walang asawa at residente ng California Homes Subd. City of Ilagan, Isabela.
Nadakip sa inilatag na drug buybust operation ng mga otoridad si Tagao kung saan nabili sa kanya ang isang (1) heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng halagang Php1,000.00.
Narekober pa sa kanyang pag-iingat ang sampung (10) sachet ng hinihinalang shabu, isang (1) sling bag at isang libo na buybust money.
Ayon pa kay PLTCol Abellera Jr. hindi aniya sagabal ang umiiral na Enhanced Community Quarantine upang arestuhin ang mga matagal nang sakot sa iligal na droga.
Kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang naturang suspek.