Hinimok ng Department of Justice (DOJ) ang publiko na irespeto ang privacy ni dating Undersecretary Markk Perete matapos itong magbitiw sa kaniyang pwesto.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, alam niya ang dahilan ng pag-resign ni Perete pero ayaw na niyang ilahad kung ano ito.
Bago ipinasa ni Perete ang kaniyang resignation, sinabi ni Guevarra na ipinaliwanag naman sa kaniya kung ano ang mga dahilan ng kaniyang pagbibitiw.
“As these reasons were very personal, the least that we could do for him is to respect his privacy and wish him well,” sabi ni Guevarra.
Nabatid na inirekomenda ni Guevarra kay Pangulong Rodrigo Duterte si Perete na tanggapin sa DOJ noong 2018.
Bago maging DOJ Undersecretary at Spokesperson, si Perete ay naging technical assistant na may ranggong Assistant Secretary for Legal Affairs sa Office of the President.