Private Employee, Dinakip Matapos Makipagmatigasan sa mga Pulis

Cauayan City, Isabela- Tuluyang dinakip ng kapulisan ang isang private employee matapos makipagsagutan at matigasan sa mga pulis partikular sa kahabaan ng pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Minante 1, Cauayan City, Isabela.

Nakilaka ang suspek na si Alfredo Abao Jr, 28 taong gulang, walang asawa, at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagsasagawa ng oplan sita sina Police Executive Master Sergeant Joey Santos, PSSG Mark Anthony Ramirez, at Patrolman Virgilio Justo Jr., namataan nila ang suspek na sakay ng kanyang motorsiklo na nag counter flow sa daan dahilan upang siya ay patigilin at sitahin.


Maayos umanong nakipag-usap at nagpaliwanag ang mga pulis sa suspek hinggil sa kanyang violation at nang siya ay bigyan ng ticket ay nagtaas umano ito ng boses at kinukwestiyon kung ano ang kanyang paglabag o violation.

Imbes umano na makipag usap din ng maayos ang suspek sa mga sumitang pulis dahil sa kanyang pag counter flow sa daan, ay lalo pa umano itong nakipagmatigasan at naging arogante.

Dito na tuluyang inaresto ang suspek at idineretso sa Cauayan District Hospital para sa physical medical examination at kalauna’y dinala dito sa himpilan ng pulisya.

Nakatakda nang isailalim ngayong araw, August 18, 2021 sa inquest proceedings si Abao.

Inihahanda na rin ng pulisya ang kasong Resistance and Disobedience Upon an Agent of a Person in Authority na isasampa sa suspek.

Facebook Comments