Private individuals, hinimok na makipagtulungan sa pagbabalik-eskwela

Hinimok ni Quezon City Representative Alfred Vargas ang mga pribadong indibidwal na makiisa sa mga komunidad at tumulong sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

Partikular na nanawagan si Vargas sa mga community at alumni associations, foundations at Parent-Teachers’ Association na maging aktibo sa Local School Boards (LSBs).

Dahil aniya sa COVID-19 pandemic ay maisasantabi muna ang ‘Brigada Eskwela’ at sa halip ay mas sesentro ang paghahanda sa pag-aaral ngayon sa pagkakaroon ng komprehensibong data base para alamin ang sitwasyon ng connectivity ng mga estudyante at mga guro, access sa computers, telebisyon at radyo, gayundin ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga kabataan para sa kanilang pagkatuto.


Hiniling din ng kongresista sa mga bubuo ng LSB na mag-donate rin ang mga ito ng gamit o kahit refurbished na computers at laptops para sa mga mag-aaral na walang kakayahan na makabili ng gadgets.

Hinikayat din nito ang LSB na pag-aralan ang pag-downgrade sa dami ng bawat klase, pagpapatupad ng alternate face-to-face classes at home learning mode.

Bukas ang kongresista sakaling magkaroon ng pisikal na klase sa mga probinsya na COVID-free ngunit mahigpit na ipatutupad ang health protocols tulad ng paghuhugas ng kamay, physical distancing at pagsusuot ng masks.

Facebook Comments