Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP na nakapagsumite ang Global Aviation and International Aircraft mula Singapore ng flight plan para sa departure at exit nito mula Davao patungo ng Malaysia sakay ang dalawang pasahero na Pharmally officials.
Ayon sa CAAP nagbigay sila ng permit sa Global Aviation kung saan sila ang may hurisdiksyon sa chartered flight ng jet quarter ng Singapore na humingi ng permiso na makapasok sila sa Davao Airport para kunin ang dalawang pasahero.
Tatlong araw bago ang departure ay nakapagsumite ng flight plan ang isang private plane sakay sina Mohit at Twinkle Dargani patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Paliwanag ng CAAP ang nabigong pagtakas ng magkapatid ay hindi hurisdiksyon ng ahensya kundi ng Bureau of Immigration, Bureau of Customs at Bureau of Quarantine para maharang ang isang pasahero na dapat sumunod sa mga panuntunan ng gobyerno alinsunod sa umiiral na Alert Level 2 o sa mga pasaherong may nakabinbing kaso sa Pilipinas.
Si Mohit at Twinkle ay naaresto sa Davao International Airport matapos mabigo ang kanilang pagtakas patungong Malaysia.
Matatandaan na ang magkapatid ay na-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 19, dahil sa pagtanggi na sumunod sa mga utos na maglabas ng mga dokumento na may kaugnayan sa mga transaksyon ng Pharmally sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).