Privatization sa NAIA, hindi pa napapanahon ayon sa isang senador

Iginiit ni Senator Christopher Bong Go na masyado pang maaga para ikunsidera ang pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kaugnay pa rin ito sa system glitch sa Air Traffic Management System (ATMS) ng NAIA na nangyari sa mismong unang araw ng taon.

Kung si Go ang tatanungin, ang panukalang privatization sa NAIA ay mangangailangan ng malalimang pagaaral dahil kailangang maikunsidera ang lahat ng aspeto sa paliparan.


Magkagayunman, binigyang diin ng senador ang agarang pangangailangan para maisaayos ang mga kagamitan at pasilidad sa NAIA.

Naniniwala rin ang mambabatas na nagkaroon ng malaking implikasyon sa national security ang naturang insidente dahil lumalabas na sa isang technical glitch ay naparalisa ang buong airspace ng bansa.

Suportado ni Go ang ikakasang imbestigasyon ng Senado hinggil sa naging aberya sa NAIA upang alamin kung ano ang mga pwedeng gawin para mapabuti ang serbisyo at maiwasan na ang ganitong problema sa hinaharap.

Facebook Comments