*Cauayan City, Isabela*- Nakiisa ang kapulisan mula sa Police Regional Office 2 sa 4th Quarter ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa kanilang pangrehiyong tanggapan ngayong araw.
Sinimulan ito pasado 9:00 kaninang umaga na pinangunahan ng mga unipormadong miyembro ng kapulisan sa pangunguna ni P/Col. Ignacio Cumigad Jr., Chief ng Regional Directorial Staff.
Kaugnay nito, ipinamalas ang ilang kasanayan sa pagsasagawa ng paunang lunas sakaling makaranas ng sakuna at maging sa pagresponde sa magiging biktima ng paglindol.
Ayon kay P/Col. Cumigad, bilang indibidwal na unang tutugon sa mga sakuna ay dapat maging handa at magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan para iligtas ang buhay ng nakararami.
Dagdag pa nito na ugaliin ang paulit-ulit na pagsasanay sa pagresponde sa biktima ng sakuna.
Layunin ng nasabing aktibidad ang kahandaan para sa mga stratehiya at maitama ang ilang mali para sa mas produktibong pag aksyon.
Samantala, ibinahagi ng Bureau of Fire Protection-Cagayan sa pangunguna ni SFO3 Ronnie Gervacio Gaddao at SFO2 Garry Guillen ang ilang paghahanda sakaling makaranas ng sakuna.