*Cauayan City, Isabela- *Patuloy ang pamamahagi ng relief goods ng mga kapulisan mula sa Police Regional Office 2 partikular sa tanggapan ng Community Affairs Service sa mga naging biktima ng malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Quiel sa mga nakalipas na araw.
Una rito, naipamahagi na ang ang inisyal na 585 relief goods, dalawang (2) sako ng mga pinaglumaang damit at 480 na mga bottled water sa Bayan ng Ballesteros at Abulug na nakakaranas pa rin ng pagbaha habang tatlong daan (300) packs ng relief goods at 240 bottled water ang naipamahagi na sa Brgy. San Juan, Ballesteros, Cagayan at 285 packs mula naman sa Brgy. Guiddam, Abulug, Cagayan.
Ayon kay PB/Gen. Angelito Casimiro, sinisiguro nito na magpapatuloy ang search and rescue operations ng mga kapulisan para sa mga apektadong pamilya sa nagdaang pananalasa ng bagyo.
Dagdag nito, nasa kabuuang 137 sa hanay ng kapulisan ang nagpapatuloy para sa ginagawang pagsagip sa mga residente na biktima ng bagyo sa ilang parte ng Probinsya ng Cagayan.
Batay sa pinakahuling talaan, nananatili pa ring lubog sa baha ang ilang barangay gaya ng Brgy Dagueray, Sanchez Mira; Barangays Cabayu, Nararagan and San Juan, Ballesteros, Cagayan; Brgys Guiddam and Sta Rosa, Abulug habang ang ilang sakahan sa Bayan ng Allacapan ay lubog pa rin sa baha dahil sa bagyo.
Kaugnay nito, 120 na packs ng relief goods ang naibigay na rin sa apektadong pamilya sa Bayan ng Allacapan.