Manila, Philippines – Magbabalik sesyon na ngayong araw ang Kamara at Senado para aprubahan ang pro-people measures.
Ito ay bago ang nakatakdang formal adjourn ng 17th Congress sa June 7.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III – isa sa priority measures na kailangan nilang tutukan ay ang Senate Bill 2204 o Anti-Terrorism Act of 2019 na layuning amyendahan ang Republic Act 9372 o Human Security Act.
Tatapusin din ng Senado ang deliberasyon sa panukalang mag-aamyenda sa Public Services Act o Senate Bill 1754, na nakabinbin sa ikalawang pagbasa.
Umaasa rin si Sotto na mabibigyang prayoridad din ang Medical Sponsorship Act na tutugon sa kakulangan ng doktor sa bansa.
Ilan sa priority measures na inaasahang tatalakayin ng Senado ay ang Budget Reform Act, Rightsizing the National Government Act at pag-amyenda sa Salary Standardization Law (SSL).
Nakabinbin din sa ikalawang pagbasa ang panukalang bigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa transportasyon sa bansa o ang panukalang National Transport Act at ang Traffic and Congestion Crisis Act.
Sinabi nanam ni House Majority Leader Fredenil Castro – lahat ng pending measures ay itinuturing na prayoridad.
Siyam na panukala ang inaasahang maipapasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara.
Ang mga mambabatas ay magko-convene sa July 22, 2019 para sa pagsisimula ng 18th Congress.