Umaabot na sa apatnapo’t limang indibidual ang nahuli habang nasa 118 na mga baril ang nakumpiska ng PRO1 mula nang ipatupad ang nationwide COMELEC gun ban noong Enero 9, 2022.
Batay sa ulat, kabuuang walumpu’t tatlong mga baril ang nakumpiska at tatlumpu’t pitong katao ang naaresto ng Pangasinan police; tatlumpung baril at limang katao naman sa La Union police; tatlumpu’t walo na baril at dalawang katao sa Ilocos Sur police; habang labinlimang baril at apat na katao sa Ilocos Norte police; at apat na baril at apat na indibidwal naman ang nahuli ng Regional Drug Enforcement Unit.
May kabuuang 277 iba’t ibang baril din ang idineposito ng mga gun owners dito sa Rehiyon 1.
Binigyang-diin ni PBGEN Emmanuel Peralta, PRO1 Regional Director na ang mga nabanggit na accomplishments ay bahagi ng pinaigting na operasyon ng PRO1 upang ipamalas sa publiko na seryoso ang pulisya ng Rehiyon 1 sa kampanya nito partikular na sa paghuli sa mga hindi rehistradong baril na maaaring gamitin sa panahon ng halalan.
Siniguro din ni RD PERALTA na mananatiling walang pinapanigan ang pulisya ngayong panahon ng halalan.
Ipinag-utos niya ang reassignment ng 87 personnel na may kamag-anak na may tinatakbuhang posisyon sa pulitika at inilipat ang mga Chief of Police na mahigit isang taon na sa kanilang puwesto.
Ang lahat ng mga personnel ay maayos na na-deploy upang manduhan ang 325 COMELEC Checkpoints. | ifmnews
Facebook Comments