Cauayan City, Isabela- Laging nakahanda ang pamunuan ng Police Regional Office (PRO) 2 sa anumang iuutos ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLtCol Chevalier Iringan, tagapagsalita ng PRO2, inaasahan at pinaghahandaan ng pamunuan ng PRO2 sa pamumuno ni RD P/BGen. Angelito Casimiro ang anumang pagbabago na ibababa ng Pangulo at ng Inter Agency Task Force pagkatapos ng Abril 30, 2020 na extension ng ECQ.
Ayon kay LTC Iringan, ito ay para din aniya sa kabutihan at kaligtasan ng lahat laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng ECQ ng bawat hanay ng kapulisan sa rehiyon.
Pinapurihan at pinag-iingat naman nito ang lahat ng mga frontliners na humaharap laban sa nakamamatay na sakit.
Panawagan naman nito sa publiko na huwag nang tangkaing lumabas ng bahay kung hindi importante ang lakad at sumunod lamang sa mga patakaran ng ECQ.