Probinsya ng Isabela at Nueva Vizcaya, Nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19

*Cauayan City, Isabela*- Nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19 ang Probinsya ng Isabela.

Ito ang ginawang kumpirmasyon ni Governor Rodito Albano III.

Ayon naman sa social media post ng City Government ng Santiago, isang 23 anyos na lalaki ang nasabing pasyente na kasalukuyang nakaadmit sa Southern Isabela Medical Center.


Ayon pa sa gobernador, inaalam pa ng mga kinauukulan ang iba pang detalye ng pasyente bago ianunsyo ang estado nito at kung paano nakuha ang nasabing sakit ng pasyente.

Samantala, kinumpirma rin ni Gov. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya ang unang kaso ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.

Ayon sa gobernador, isang 65 anyos na lalaki na mula sa Brgy. Roxas, Solano ang 1st positive case sa Nueva Vizcaya.

Nabatid na ang pasyente ay may Severe Acute Respiratory Infection o SARI.

Hindi rin nagkaroon ng kahit anumang pagbiyahe ang nasabing pasyente sa mga bans ana may positibong kaso ng covid-19 subalit nagkaroon ito ng pakikisalamuha sa isang burol kung saan may mga bisita na mula sa bansang Hongkong.

Sinabi pa ng Gobernador na namatay ang pasyente nitong March 19, 2020 subalit ngayon lang lumabas ang resulta ng laboratoryo nito mula sa Research Institute for Tropical Medicine.

Matatandaang kinumpirma ng DOH-Region 2 ang dalawang nadagdag na nagpositibo sa sakit na isang Security Guard at ang dating kongresista na si Don Ramon Nolasco ng unang distrito ng Cagayan.

Puspusan naman ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa nasabing sakit.

Facebook Comments