Probinsya ng Isabela, Isinailalim sa State of Calamity dahil sa African Swine Fever

*Cauayan City, Isabela*- Isinailalim na sa State of Calamity ang buong Probinsya ng Isabela dahil sa pagtaas ng bilang ng mga bayan na nagpopositibo sa African Swine Fever.

Ito ay matapos magpalabas ng resolusyon na pirmado ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, umakyat na sa 32 barangay mula sa 14 na bayan sa Isabela ang apektado ng nasabing sakit ng baboy.


Kinabibilangan ng mga bayan ng Quezon, Quirino, Aurora, San Manuel, Gamu, Cordon, Jones, Reina Mercedes, Echague, San Pablo, Luna, Mallig, Roxas at San Isidro.

Pumalo naman sa kabuuang 1, 750 na mga alagang baboy ang isinailalim sa culling o pagbaon at pagpatay habang 256 ang nagpositibo sa African Swine Fever.

Paglilinaw naman ni Binag na maaari pa ring magpasok ng mga baboy subalit tiyakin pa rin ang ilang dokumento na magpapatunay sa legalidad ng pagpasok ng mga baboy sa probinsya.

Nakapagbigay na rin aniya ang lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal sa mga apektadong hograisers dahil sa ASF.

Patuloy naman ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lahat ng inilatag na checkpoint para maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing sakit.

Facebook Comments