Cauayan City, Isabela- Bumabangon at pilit nang bumabalik sa normal ang Lalawigan ng Isabela matapos ang matinding pananalasa ng pagbaha sa malaking bahagi ng Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret Col Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer ng Isabela, itinigil na aniya ang pagsasagawa ng rescue operation sa Lalawigan dahil humupa na ang tubig-baha sa mga lugar na naapektuhan nito.
Kasalukuyan na lamang ngayong ang clearing operation sa mga lugar na tinamaan ng matinding baha katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi pa nito na matagumpay ang ginawang rescue operation ng PDRRMC Isabela dahil na rin sa pakikipagtulungan ng bawat rescue team mula sa iba’t-ibang bayan.
Bago pa man dumating at tumama ang bagyong Ulysses ay nag-utos at nagsagawa na ng pre-emptive deployment si Rivera.
Nagpapasalamat naman si Ret. Col Rivera sa lahat ng mga rescuers na buong tapang na hinarap ang matinding pagbaha para lamang mailigtas sa panganib ang maraming Isabelino.