Probinsya ng Kalinga, Pangatlo sa may Mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa

Cauayan City, Isabela- Bumili ng limang (5) bagong ambulansya ang Provincial Government ng Kalinga na ipapamahagi sa iba’t ibang district hospitals sa harap ng dumaraming kaso ng COVID-19 na naitatala ng probinsya.

Ayon kay Governor Ferdinand Tubban, pabor umano ang Department of Education Kalinga at Tabuk City para ipagamit ang ilang pasilidad para magsilbing temporary isolation o quarantine facility habang kasalukuyan ang pagsasaayos sa mga isolation facilities ng mga bayan.

Inatasan rin ng Gobernador si OIC-PHO II Dra. Marilyn T. Duyan na makipagpulong sa mga chief of hospitals upang malaman ang mga kakailanganin ng mga ito at maisama sa prayoridad ng Quick Response Fund.


Ngayong taon, naglaan ng P1 million pesos sa bawat district hospitals ang Provincial Government na layong mas mabigyan ng pansin ang mga pasyente at tugunan ang mga kakailanganin ng mga hospital.

Samantala, pinuri naman ni Governor Tubban si Lubuagan Municipal Mayor Atty. Charisma Anne Dickpus matapos magpalabas ng Show Cause Order sa mga kapitan ng barangay na hindi nagpapatupad ng health protocols sa kanilang nasasakupang lugar.

Naglaan rin ng pondo sa ilalim ng Supplemental Budget No. 1 para sa pagbili ng dagdag na additional rapid antigen test kits.

Bubuo naman ng technical working group ang Provincial health Office para sa napipintong pagbili ng bakuna.

Kaugnay nito, pumapangatlo na ang lalawigan ng Kalinga sa buong bansa na may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso na naitala ngayong araw na umabot sa 102 batay sa datos ng DOH central office.

Sa ngayon ay umabot na sa kabuuang 348 ang aktibong kaso ng probinsya at ikinategorya na sa critical risk code dahil sa COVID-19.

Facebook Comments