PROBLEMA SA DRAINAGE CANAL SA CAUAYAN MARKET, RESOLBADO NA

Naresolba na ang problema ng pagbaha sa loob at labas ng pribadong pamilihan ng Primark sa tuwing umuulan.

Ito ang Ibinahagi ni Sangguniang Panglungsod Egardo “Egay” Atienza sa 98.5 iFM Cauayan sa pamamagitan ng mga litrato at bidyo na kanyang ipinadala.

Kasunod ito ng ginawang paglilinis sa mga kanal at daluyan ng tubig sa palengke upang tugunan ang problema.

Ang pagbaha sa tuwing umuulan ay isa sa mga pangunahing hinaing ng mga vendors at tenants ng palengke dahil naapektuhan ang kanilang kabuhayan.

Nanawagan naman si SP Atienza sa mga vendor at mamimili na makipagtulungan at panatilihin ang kalinisan at iwasan ang pagtatapon ng basura o anumang bagay sa mga drainage canal na nagdudulot ng baha tuwing umuulan.

Dagdag niya, ayon sa pamunuan ng Primark, isusunod na rin ang iba pang mga problema sa pamilihan katulad ng pagpapalit ng mga nabakbak at sirang tiles upang maiwasan ang aksidente.

Sinabi din niya na magkakaroon ng renobasyon ang lahat ng mga establisyemento ng Primark.

Matatandaan na nagkaroon ng pagpupulong ang mga vendors sa palengke, pinuno ng Primark kasama ang mga city officials sa pangunguna ni Mayor Jaycee Dy Jr. matapos bahain ang pamilihan dahil sa pagulan noong Hulyo 12, 2022 upang tugunan ang problema.

Ayon kay Atienza, magkakaroon na ng buwanang-pagpupulong sa pagitan ng mga vendors sa palengke at pinuno ng Primark upang mapag-usapan ang anumang problema o hinaing para agad itong matugunan.

Facebook Comments