Problema sa inflation, mas dapat na tutukan ng mga economic manager – senador

Kinalampag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mga economic manager na bilisan ang paglalatag ng solusyon sa tumataas nanamang inflation sa bansa sa halip na pagsusulong ng Maharlika Investment Fund.

Ito ay matapos maitala ang ‘all-time high’ inflation rate mula noong November 2008 sa 8.7 percent ngayon lamang buwan ng Enero 2023.

Dismayado ang senador sa mga economic manager dahil sa kawalan ng kongkretong plano at mabilis na pagaksyon para tugunan ang mataas na inflation na nakakaapekto na sa pagbaba pa ng husto ng purchasing power ng milyong mga Pilipino.


Giit ni Pimentel, nakita naman na ang unang sintomas ng paglala ng inflation nang magkaroon ng sugar crisis noong ikalawang bahagi ng 2022 na sinundan ng onion crisis sa huling quarter ng nakaraang taon.

Binigyang-diin ng mambabatas na kung naglatag lamang ng mga hakbang para bantayan at paigtingin ang produksyon sa agrikultura at palakasin ang mga maliliit na magsasaka at food producer, hindi sana tataas ng husto ang food inflation sa 11.2 percent kumpara sa 1.6 percent lang sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bukod sa kalagayan ng ating mga magsasaka, isa pa sa nagpapadagdag sa hirap ng publiko ang dagdag lang na P33 para sa mga minimum wage earner na ipinatupad noong June ng 2022.

Napakarami aniyang isyu na dapat pagtuunang pansin ng mga economic manager pero ni isang malinaw na plano o roadmap para solusyunan ang problema ay wala siyang nakita.

Facebook Comments