Ilang suliranin sa kalinisan at kaligtasan ang natukoy sa pamilihang bayan ng Mangaldan matapos ang isinagawang inspeksyon bago ang nakatakdang malawakang clean-up drive ngayong araw, ika-8 ng Enero.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nakaapekto sa kalinisan ng mga paninda ang problema sa pagtulo ng tubig mula sa bubong sa ilang bahagi ng meat section.
Sa fish section naman, iginiit ang pagbabara ng mga kanal at daluyan ng tubig, kung saan kinakailangan ang agarang declogging ng mga drainage.
Bukod dito, pinuna rin ang ilang kalat tulad ng karton sa ilang stalls na maaari umanong pagmulan ng sunog.
Dahil dito, nagtakda ang LGU Mangaldan ng paglilinis sa mga apektadong bahagi ng palengke simula ngayong araw, Enero 8, mula ala-1 hanggang alas-5 ng hapon.
Inatasan ng LGU ang mga vendors at stall owners na iligpit at ayusin ang kanilang mga gamit upang maiwasan ang abala at matiyak ang kaligtasan habang isinasagawa ang paglilinis. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










