Problema sa pagitan ng PhilHealth at PHAPi, pinareresolba agad

Kinalampag ni Committee on Health Chairman at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na resolbahin na agad ang isyu ng pagkakautang sa mga pribadong ospital.

Ang panawagan ng kongresista ay kasabay na rin ng pagbawi ng Private Hospitals Association of the Philippines Incorporated (PHAPi) sa isasagawa dapat na “PhilHealth Holiday” sa Enero 1 hanggang 5.

Apela ni Tan, solusyunan na ng PhilHealth sa lalong madaling panahon ang isyu sa mga “delayed payments” at makipag-ugnayan na sa PHAPi para agad na maresolba ang problema sa mga “unpaid claims.


Giit ng kongresista, higit na maaapektuhan dito ay ang mga mahihirap at “underprivileged” na mga Pilipino.

Iginiit ni Tan na hindi naman nagkulang ang kanyang komite nang pagharapin ang PhilHealth at mga private hospitals para magsagawa ng dayalogo at i-review ang polisiya ng state health insurer.

Aniya, ang nangyayari ngayon sa kabila ng kanilang mga pagsisikap na maiwasan ang ganitong gusot ay tahasang pagbalewala sa mahahalagang prinsipyong nakapaloob sa Universal Health Care Act na garantiyahan ang access sa de kalidad at abot-kayang health care goods at services para sa lahat ng mga Pilipino.

Facebook Comments