Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na mas mabigat o mas lamang ang hatid na social cost o mga problema ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kumpara sa benepisyo nito sa ekonomiya.
Batay aniya sa Cost-Benefit Analysis (CBA) na ginawa sa POGO industry, lumalabas na mas mataas ang social at economic costs sa POGO bunsod ng mga problemang kaakibat nito tulad ng krimen, tax evasion, korapsyon, mga nabalewalang Foreign Direct Investments (FDIs) at turismo na aabot sa P143.43 billion habang ang economic benefits na dala ng POGO ay nasa P134.86 billion lamang.
Ayon kay Gatchalian, bagama’t mahirap bilangin o hanapan ng katapat na halaga ang social costs, wala namang katumbas na halaga kung ang buhay at dignidad na ng mga biktima ng human trafficking, prostitusyon at kidnapping dahil sa POGO ang nakasalalay rito.
Batay naman sa isang position paper na isinumite sa Department of Finance (DOF), tinukoy na kasama rin sa social costs ang pagtingin ng mga investor na maaaring mauwi sa pagkawala ng mga kasalukuyan at potensyal na investments, trabaho at kita.
Dagdag din sa economic costs sa mga dulot na problemang panlipunan ng POGO ay ang kinakailangan na dagdag din na pondo para sa gastusin sa pagpapatupad ng batas upang mapigilan ang mga krimeng kaakibat ng nasabing industriya.
Ang komite ni Gatchalian na Ways and Means ang nagsagawa ng imbestigasyon patungkol sa mga benepisyong ibinibigay ng POGO sa bansa pero sa mismong pagdinig ay napagalaman na mababa pa sa 1 percent ng gross domestic product noong 2021 ang kitang naibigay ng POGO.