Pinabibilisan na nang husto ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa pamahalaan ang procurement at roll out ng COVID-19 vaccine.
Kasunod ito ng anunsyo ng Philippine Red Cross (PRC) na nakabili sila ng 200,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine kung saan 1,500 doses nito ay inaasahang darating sa Hunyo.
Ayon kay Defensor, kung nagawang makipag-negosasyon ng PRC at makakuha ng bakuna sa madaling panahon ay higit dapat na mas mabilis ang procurement ng pamahalaan dahil direkta na ang negosasyon nito sa vaccine manufacturer.
Pinaalala pa ng kongresista na nasa gitna ng public health emergency ang bansa kaya’t hindi dapat pinapairal ang red-tape.
Dagdag pa ng kinatawan, para makamit ang herd immunity kailangan ay mabilis at episyente ang vaccine roll out ng bansa.
Tinukoy pa ng kongresista na sumulat ang kanyang tanggapan sa IATF para ipaalam na nakapagpa-reserba na sila ng bakuna kung saan sila mismo ang gagastos, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa ring “go” signal para dito.