Posibleng tumaas ng 3.5 percent ang production cost sa mga pangunahing bilihin oras na maramdaman na ang epekto nang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine sa global market.
Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang kontribusyon ng langis sa manufacturing ay pumapalo ng lima hanggang pitong porsyento dahil apektado rito ang mga raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga produkto.
Aniya, ang 3.5 percent increase sa production cost ay hindi dapat balewalain kahit pa ito ay below 10 percent pa lang naman.
Isasama kasi ang datos na ito sa pag-aaral sakaling magkaroon ng adjustment sa Suggested Retail Price (SRP) ng mga produkto.
Sa kabila nito, tiniyak ni Lopez na handa ang pamahalaan sa magiging epekto ng lalo pang pagtaas ng presyo ng langis.