MAGBOBOTE, ARESTADO SA PAMBA-BLACKMAIL SA BABAENG NAKIKILALA SA ISANG DATING APP

35
Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang lalaking magbobote sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad dito sa Lungsod ng Cauayan dahil sa ginawang pamba-blackmail sa isang babae.

Kinilala ang suspek na si Jerson Calica, 29 anyos, may asawa’t dalawang anak, mahigit sampung taon ng magbobote at residente ng Santiago City habang ang biktima ay itinago sa pangalang “Joan”, 27 taong gulang, residente naman ng Gamu, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa suspek, ibinahagi nito na nagkakilala lamang sila sa isang dating app ni “Joan” at mahigit isang Linggo pa lamang silang magkakilala.

Sa loob ng isang linggo ay nag-uusap na sila sa video call kung saan ay ipinapakita na umano ng babae ang kanyang maseselang bahagi ng katawan at palihim namang kinukuhanan ng video ng suspek.

Lumipas ang ilang araw ay niyaya ng suspek ang biktima na magkita sila ngunit tumanggi ito kaya nagawa ng suspek na magbanta sa biktima na ikakalat ang malaswang video kung hindi ito makikipagkita.

Sa takot ng biktima ay pumayag ito na makipagkita sa suspek, ngunit lingid sa kaalaman ng suspek ay nagsumbong na ang biktima sa pulisya para sa ikakasang entrapment operation sa SM City Cauayan na nagresulta naman sa tuluyang pagkakadakip ng naturang suspek.



Nasa kustodiya na ng PNP Cauayan ang suspek at siya ay nasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act no.9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Facebook Comments