Itinigil ng ilang local producers ang produksyon ng manok dahil sa pagkalugi.
Ayon kay United Broiler Raisers’ Association (UBRA) at Philippine Egg Board Association (PEBA) Chairman Gregorio San Diego, isa sa mga dahilan ng pagkalugi ay ang mababang farm gate price ng manok, na umaabot lamang P92 hanggang P99, kumpara sa production cost na nasa P115.
Dahil dito, hindi na magsusuplay ng manok sa ilang restaurant at hotel ang mga lokal na magmamanok dahil sa mababang demand.
Dagdag pa ni San Diego, matumal na rin aniya maging ang bentahan ng itlog.
Pero naiintindihan naman aniya nila kung mataas ang retail price ng mga manok sa palengke dahil ang ilang mga nagtitinda nito ay nagtaas na rin ng presyo para mabawi ang kanilang mga nagastos.
Kaugnay nito ay hinimok ni San Diego ang pamahalaan na itigil na ang pag-aangkat dahil nakikipagkompetensya ito sa lokal na produksyon.