Pormal nang inilunsad ang kauna-unahang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Tindahan sa buong bansa sa Brgy. Bantog, Asingan, Pangasinan sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ito ay magsisilbing pamilihang nagtatampok ng mga produktong mula sa CARP-assisted na mga magsasaka at kooperatiba, na layong palakasin ang access nila sa merkado at suportahan ang kabuhayan ng mga agrarian reform beneficiaries.
Humigit-kumulang 70 organisasyon at kooperatiba ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan at mga karatig-lalawigan ang lumahok sa programa, kung saan direktang ibinebenta at kinukuha mula sa kanila ang mga produktong agrikultural at processed goods.
Ayon kay DTI Ilocos Regional Director Merlie Membrere, ang pagbili ng mga produktong tampok sa CARP Tindahan ay nagiging direktang suporta sa kabuhayan ng mga benepisyaryong magsasaka at kooperatiba, habang pinalalakas ang ugnayan ng mga prodyuser at mamimili.
Naging host cooperative sa paglulunsad ang Bantog Samahan Nayon Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa Asingan, na kilala sa paggawa ng mga produktong mula sa gatas ng kalabaw tulad ng longganisa, siomai, at yogurt.
Ayon kay DTI Assistant Regional Director at Pangasinan Director Natalia B. Dalaten, napili ang Bantog Samahang Nayon MPC napili sila bilang host dahil sa lokasyon at aktibo nitong produksyon.
Ibinahagi rin ng ilang magsasaka, tulad ni aling Josefina Castro na higit dalawang dekada nang kasapi ng Bantog Samahang Nayon, na malaking tulong ang programa sa pagbibigay ng mas tiyak na pamilihan para sa kanilang ani at produkto.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. sa matagumpay na paglulunsad ng CARP Tindahan at hinikayat ang patuloy na koordinasyon ng mga ahensya at kooperatiba upang mapanatili ang operasyon nito.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ng DTI at iba pang ahensya ang mga pamamaraan para sa tuloy-tuloy na operasyon ng CARP Tindahan at ang pagpapalawig nito sa iba pang mga lugar, kabilang na ang paglulunsad nito sa Alaminos City sa darating na Marso.









