Produktong Gulay at Processed Products sa Region 2, Ibinida sa selebrasyon ng World Food Day

Cauayan City, Isabela- Bida ang iba’t ibang produktong gulay at processed products ng Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) bilang suporta sa kampanya ng Food and Agriculture Organization na layong labanan ang kahirapan at kagutuman.

Ito ay pakikiisa rin ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa selebrasyon ng World Food Day with Food Fiesta katuwang ang Kadiwa ni Ani at Kita program na may temang “Our actions are our future. Better production, better nutrition, a better environment and a better life,” na idinaos sa isang mall sa Tuguegarao City, Cagayan.

Pinangunahan ni DA Region 2 Executive Director Narciso Edillo ang selebrasyon kasama ang naging pambato ng Cagayan sa Miss Universe Philippines na si Gianne Kryssee Asuncion na magsisilbing Agriculture ambassadress.


Inihayag ni Edillo na tangkilikin ang ‘Buy local, eat local’ para suportahan ang sariling atin at para tulungan ang mga local producers and processors na umunlad ang kanilang buhay.

Binigyang diin naman ni DA Regional Technical Director for Research and Regulatory Rose Mary Aquino na hindi lamang ito hakbang sa pagtitiyak ng sapat na pagkain kundi ang kaligtasan ng pagkain.

Samantala, pinuri naman ni Asuncion ang ahensya sa pagtangkilik ng mga mahahalagang selebrasyon sa pagbibigay prayoridad sa mga kailangan ng publiko lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Nakiisa rin sa nasabing selebrasyon si Ms. Margarette Agcaoili, Manager, Robinsons Place Tuguegarao, City Local Government Unit of Tuguegarao staff, local product producers and processors, at DA RFO 02 staff kung saan bida ang mga produktong sa loob ng anim (6) araw.

Facebook Comments