Binatikos ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc ang “profiling” na ginawa ng Philippine National Police – Northern Police District (PNP-NPD) sa mga barangay kung saan nakakuha ng mataas na boto ang mga kandidato ng grupo sa nagdaang halalan.
Naniniwala si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na ang kautusan na ito ng PNP ay desperadong hakbang para i-single out ang mga komunidad na sumusuporta sa Makabayan Bloc.
Aniya pa, ang “community profiling” ay pag-aaksaya lamang ng buwis ng taumbayan na ang layunin naman ay maghasik ng takot at terorismo sa mga komunidad sa panahon na matindi ang kahirapan.
Tinuligsa din ni Brosas ang modus ng PNP na iniimbitahan ang mga myembro ng Gabriela para sa umano’y livelihood training pero ang tunay na motibo ay maging target ang mga ito ng harassment at red-tagging.
Dagdag pa ng kongresista, magsasampa sila ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) para maaksyunan ang aniya’y panibagong harassment ng PNP sa kanilang mga grupo.