Cauayan City, Isabela- Ipapakita na sa mga LGU’s, local na media at sa iba pang mga personalidad ang isinasagawa ng RP-US Balikatan Exercise sa darating na byernes, ika labing isa ng Mayo ngayong taon sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Ito ang iniulat ni Captain Jefferson Somera, Division Public Affairs Office ng 5th ID sa naging ugnayan ng RMN Cauayan kaninang umaga.
Ayon kay Captain Somera, Nag-umpisa na umano noong May 7 at magtatapos sa May 18 ang kanilang isinasagawang RP-US Balikatan Exercise kung saan patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang Civilian Disaster Preparedness Training kasama ang US army kabilang ang dalawampu’t limang kasapi ng Disaster Rescue Unit sa lalawigan.
Layunin umano ng Training na maipakita sa publiko kung paano magtrabaho ng sabay ang ating kasundaluhan kasama ang US forces sa pagrescue ng mga kababayan pagdating sa mga sakuna.
Inihayag din ni Captain Somera na mayroon din silang isinagawa na Humanitarian Civic Activities na pinakinabangan ng sampung barangay lalo na sa kanilang programang Cooperative Health Engagement, Engineering Civic Action Program at sa kanilang Medical Dental Civic Action.
Aniya, nagsagawa umano sila ng Humanitarian Civic Activities dahil ito umano ang kailangan at angkop sa lalawigan ng Isabela para matulungan ang mga nangangailangan.