Manila, Philippines – Sinuspinde ng radio station DZRH ang programa ng singer-dancer at masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Mocha Uson.
Ito’y matapos makatanggap ng mga reklamo ang istasyon dahil sa umano’y malisyosong mga pahayag ni Uson laban kay Vice President Leni Robredo.
Nabatid na nag-viral sa social media ang March 18 episode ni Mocha kung saan nagbitaw ito ng maraming maaanghang na salita laban kay Robredo.
Sa naturang mga pahayag, tahasang minura rin at sinabihan ni Mocha si Robredo ng sinungaling at naglalabas ng mga pekeng balita.
Bukod dito, inupakan din ni Mocha ang media kung saan sinabihan niya na puro pera lang ang iniisip sa halip na kapakanan ng bayan.
Batay sa 2007 Broadcast Code of the Philippines, lumabag si Mocha sa pagbibitiw nito ng masasamang salita laban sa Pangalawang Pangulo.
Dapat din aniya ay may sapat na karanasan at kaalaman sa larangan ng pamamahayag ang isang nagpuprograma at naglalabas ng komentaryo sa himpapawid.