Sinimulan na ng pamahalaan ang programa nito para sa paniniguro ng kaligtasan ng mga batang magbabalik paaralan.
Ito ay para matiyak na mababawasan kung hindi man tuluyang maiiwasan ang mga aksidente sa lansangan na mga kabataan ang biktima sa ilalim ng programang Oplan Balik Eskwela 2022.
Ayon kay Transportation Usec. Mark Steven Pastor, kailangan ang malawakang pagtutulungan para masiguro ang kaligtasan ng lahat lalo na ng mga bata.
Sa harap na rin aniya ito ng mga pag-aaral na marami ang hindi nakakaalam ng karapatan at mga ipinagbabawal bilang motorista at pedestrian.
Payo naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na iwasan ang pagpapatakbo ng mabilisan habang ang mga rider naman ay palagian magsuot ng helmet.
Kabilang sa isinusulong ng Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG) at MMDA ang paggamit ng seatbelts, pag-iwas sa pag-inom ng alak, paglayo sa droga at mahigpit na pagpapatupad ng anti-drunk and drugged driving act.