Sumentro sa mga paraan sa pagtitiyak ng wastong nutrisyon sa panahon ng kalamidad ang Episode 19 ng programang “Nutrisyon mo, Sagot ko” ng National Nutrition Council sa DZXL – RMN Manila.
Dito tinalakay nina Zhander Cayabyab, Ms. Jovie Raval ng NNC kasama ang Health Emergency Management Bureau ng Department of Health (DOH) ang mga dapat gawin at kahandaan para matiyak pa rin ang sapat at wastong nutrisyon sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa guest expert na si Janice Feliciano – Calixtro, Nutritionist Dietitian V ng Health Emergency, Management Bureau ng DOH, dahil sa kalamidad, apektado ang kabuhayan ng mga tao kaya minsan ay walang makain na nagiging dahilan naman kaya lumalala ang malnutrisyon.
Partikular aniyang direktang apektado rito ang mga bata, buntis, mga inang nagpapasuso ng sanggol, may kapansanan at mga matatanda dahil sila ang mas may kailangan ng sapat na nutrisyon.
Binigyang diin ni Calixtro na importante na maging handa ang publiko sa pagdating ng kalamidad kung saan dapat ay may emergency go bag ang isang pamilya na naglalaman ng mga tamang kinakailangang pagkain ng bawat miyembro ng pamilya, malinis na inumin at gamot na tatagal ng higit tatlong araw.
Maaari rin aniyang maging mapamaraan sa paghahanda ng pagkain sa pamilya kahit nasa evacuation center tulad ng paglalagay ng mga gulay sa noodles o de lata.
Bukod dito, sinabi ni Calixtro na mahalaga ang suporta at tulong ng National at Local Government sa pamamagitan ng mga programang pangkalusagan para mabigyang ng sapat na nutrisyon ang mga publiko sa panahon ng kalamidad.