Pinagsusumite ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ng progress report at plano ang mga telecommunications company (telcos) at National Telecommunications Company (NTC).
Nakatakda ring talakayin ng komite ni Poe ang mga hakbang ng NTC at telcos para mapahusay ang serbisyo at makaagapay sa sitwasyong dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Poe, isasabay nila ito sa gagawing pagbusisi ng kanyang komite sa franchise renewal ng DITO sa December 7.
Nagpahayag din ng suporta si Poe gayundin si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagkalampag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga telcos para pagbutihin ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Poe, tama lang ang paghingi ni Pangulong Duterte ng progress report sa mga telcos, at assessment mula sa NTC na siyang primary regulator ng mga ito.
Paalala ni Drilon sa mga telcos, ngayong Disyembre na ang deadline na ibinigay ng Pangulo para pagbutihin ang kanilang serbisyo at kung hindi ay maari silang i-take over ng gobyerno.
Dismayado si Drilon dahil pangit pa rin ang serbisyo ng mga telcos at wala pa rin syang natatanggap na report ukol sa dami ngayon ng cell towers mula ng isabatas ang Bayanihan 2.
Ipinasok ni Drilon sa Bayanihan 2 ang probisyon ukol sa tatlong taong suspensyon ng napakaraming requirements para sa pagtatayo ng cell towers.