“Progressive expansion” o full implementation ng limited face to face classes, target masimulan sa Marso

Naghahanda na rin ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng “progressive expansion” o full implementation ng limited face-to-face classes ngayong taon.

Ayon kay DepEd-NCR Regional Director Wilfredo Cabral, target nilang masimulan ang full implementation nito sa Marso.

Pero paglilinaw ng opisyal, sakop lamang nito ang mga eskwelahan sa mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 1 at 2.


“Dahil po sa binigay ng ating Pangulo [Duterte] na pagpayag na magkaroon ng expansion, naghahanda na po tayo doon sa tinatawag natin na progressive expansion o full implementation ng limited face-to-face,” ani Cabral sa panayam ng RMN Manila.

“Pagdaragdag po yan ng mga eskwelahan na nasa Alert Level 1 and 2 at pagdaragdag po yan ng mga grado o baitang ng mga mag-aaral,” dagdag niya.

Sakali namang tumaas ang alert level ay awtomatikong sususpendihin ng DepEd ang progressive expansion ng limited face-to-face classes.

Nobyembre noong nakaraang taon nang ipatupad ang pilot face-to-face classes at nito lamang Enero 18 nang magpahayag ng suporta si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglulunsad ng expanded phase nito na sisimulan ngayong Pebrero.

Nilinaw naman ni Cabral na hindi magiging polisiya ng DepEd ang “no vaccination, no pasok” sa mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel.

“Hindi naman po ito talagang requirement at meron po tayong tinatawag na panghihikayat na kung maaari, lahat ng empleyado maging ito man ay mga guro o non-teaching ay magpabakuna,” aniya.

“Dahil alam natin din na meron tayong mga tao, mga guro na hindi pa rin nagpapabakuna, hindi naman po sila madi-dicriminate o magiging dahilan ito sa anumang aksyon laban sa kanila,” pagtitiyak pa ni Cabral.

Facebook Comments