Cauayan City, Isabela- Matagumpay na inilunsad ngayong araw, August 18, 2021 ng Cauayan City Police Station ang Project AKLAT (Adhikaing Gabayan ang mga Kabataan at Linangin ang Kanilang Kaisipan Tungo sa Magandang Kinabukasan) sa barangay San Luis sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, Information Officer ng PNP Cauayan City, umabot aniya sa mahigit 50 na mga mahihirap na mag-aaral sa elementarya ang kanilang nabigyan ng mga libro na donasyon mula sa iba’t-ibang grupo o organisasyon.
Katuwang dito ng PNP Cauayan ang advocacy group na pinangungunahan ni Brgy. Captain Miko Delmendo ng District 2; KKDAT Cauayan Chapter, at ng LGBT Community na nagsagawa naman ng libreng gupit sa mga recipient.
Ayon pa kay PLT Topinio, mapapabilang na ang Project AKLAT sa mga best practices na isinasagawa ng kapulisan sa mga mamamayan ng Lungsod ng Cauayan.
Inihayag din ni PLT Topinio na inaasikaso na nila ang mga susunod pa nilang target na barangay na kanilang bibigyan ng mga libro.