PROJECT BTS NG CAUAYAN NORTH CENTRAL SCHOOL, PINURI

Cauayan City, Isabela- Ikinatuwa at pinuri ni Councilor Garry Galutera na siya rin Committee Chair on Education ng Cauayan City ang ginawang proyekto ng Cauayan North Central School na layong makatulong para sa mga mag-aaral.

Inilunsad kamakailan ang Project BTS o Bringing technology to the School & Community sa pangunguna ng kanilang school Principal na si Ginoong Albert Perico kasama ang ilang mga volunteers at stakeholders ng Teach for the Philippines na kung saan ito ang kauna- unahang programa ng Technology Hub Launching na isinagawa sa Lungsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SP Member Garry Galutera, malaking tulong ang naturang programa para sa mga guro at mag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya dahil sa pamamagitan ng Project BTS ay mayroon nang magagamit na Computer Laptops at printer ang mga guro para sa kanilang pagtuturo ganun na rin sa mga estudyante kung kailangan nilang gumamit ng Computer o kung kailangan nila ng internet connection.

Nilinaw ng opisyal na libre ang paggamit ng mga guro at estudyante sa mga computer at printer at tanging mga mag-aaral lamang ng Cauayan North Central School ang prayoridad sa naturang programa.

Sagot naman ng naturang paaralan at ng LGU Cauayan ang pondong magagastos para sa maintenance ng mga computer at printer.

Facebook Comments