Cauayan City, Isabela- Inilunsad ni Kagawad Russel Quines ng Barangay Buenavista sa Santiago City ang ‘Project Dunong’ na layong tulungan ang mga mag-aaral na makapagpatuloy pa rin sa pag-aaral sa kabila ng krisis ng bansa.
Ayon kay Quines, batid nya ang kahalagahan ng pag-aaral lalo pa’t natigil ang mga pasok sa paaral mula elementarya hanggang kolehiyo dahil sa patuloy na pakikipaglaban kontra sa COVID-19.
Giit ng opisyal, sa simpleng paraan ay mailalapit pa rin nito ang kaalaman na maaaring maidagdag sa mga batang mag-aaral sa kanilang lugar.
Samantala, tulong-tulong naman ang Sangguniang Kabataan ng nasabing barangay para ilapit ang tulong para sa mga nais mag-enroll ngayong itinatakda ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagsisimula ng klase sa Agosto 24, 2020 kahit na walang katiyakan ang sitwasyon ng bansa.
Sinabi pa ni Quines, isa lamang ang kanyang inilunsad na proyekto para tugunan ang kahilingan ng mga magulang lalo pa’t hirap din ang mga ito sa sitwasyon at isa sa kanilang prayoridad din ang paghahanap ng pangkabuhayan para sa kanilang pamilya.
Tiniyak naman ng opisyal na magtutuloy-tuloy ang nasabing proyekto dahil marami aniyang grupo ang boluntaryong nagkakaloob ng mga gamit para sa proyekto.