Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Quirino ang Project Epanaw: ‘The Journey of Our Indigenous Peoples’ kung saan tatlong coffee table books ang ginawaran sa Pagdadapunan Pavilion, Cabarroguis, Quirino.
Ayon kay Ginoong Henry Tayaban, NCIP Quirino Provincial Director, ang ‘Epanaw’ ay nangangahulugang paglalakbay, isang paglalakbay na nagsasaad ng mahabang kalsada na tinahak ng kultura mula pa noong una at ang natitirang paraan na kailangang maglakbay pa rin ng mga susunod na henerasyon ng mga katutubo.
Ang Project Epanaw ay binubuo ng tatlong mga libro, bawat isa ay may kanya-kanyang tema na nagpapakita ng anyo ng bawat Komunidad ng Kulturang Katutubo / Mga Katutubong Tao na nagpapakita ng kanilang mga pagdiriwang at ritwal, at mga patutunguhan sa paglalakbay sa mga domain ng mga ninuno para sa turismo.
Ayon kay Governor Dakila Carlo Cua, kung saan nakatanggap ng tatlong coffee table books sa ngalan ng probinsya at kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga tribo sa kabila ng pagkakaiba-iba.
“Kahit tayo ay magkakaiba sa salita, lahi o kultura dapat tayo ay magkaisa sa iisang pangarap, dahil ang pangarap natin dito sa Quirino ay magkaisa ang bawat tribu ng Quirino para sa mas mapayapang kinabukasan,” saad ni Cua.
Ang NCIP Quirino Photo Exhibit ay bukas sa publiko para sa panonood hanggang Hulyo 19, 2021 sa Pagdadapunan Pavilion.
Gayunpaman, pinapayuhan ang publiko na dapat pa ring obserbahan ang mga protokol sa kaligtasan gaya ng pagsusuot ng face mask, social distancing, at ugaliing mag-sanitize.