Cauayan City, Isabela- Seryoso umano ang PNP Cauayan City na wakasan na ang kaso ng panggagahasa sa Lungsod.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang inilulunsad na Project F.I.G.U.R.I.N.E o “Fight Incessantly to Gain Upper hand in Rape Incidents that it must Now End” kasabay na rin ng pagdiriwang sa Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Kaugnay nito, nagtutungo ang kapulisan sa mga barangay maging sa mga malalayong lugar upang ipaliwanag sa mga kababaihan ang sakop ng RA 8353 na kung sino man ang mananamantala sa mga kababaihan maging sa mga bata ay pasok pa rin sa kaso ng rape.
Layon din ng proyekto na maipaliwanag sa mga kababaihan ang kanilang karapatan.
Hinihikayat din ng kapulisan ang mga kababaihan na palakasin ang loob at huwag matakot magsumbong sa kinauukulan sakaling makaranas ng pang-aabuso o pananamantala.
Ayon pa sa pulisya, mayroon pa rin naitatalang kaso ng rape sa Lungsod kaya’t lalo nilang ipinapatupad ang nasabing proyekto upang mabantayan at maprotektahan ang mga kababaihan.