Promosyon ng isang brigadier general, naharang sa Commission on Appointments matapos na ireklamo ng asawa

Naantala ang promosyon sa ad interim appointment ni Philippine Army BGen. Ranulfo Sevilla matapos na maghain ng oposisyon dito ang kanyang asawang si Ginang Tessa Luz Aura Reyes-Sevilla.

Kinumpirma ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri matapos ang isinagawang executive session ng Commission on Appointments-Committee on National Defense sa pangunguna ni Camiguin Rep. Jesus Romualdo.

Ayon kay Zubiri, ipinagpaliban ang pag-apruba sa ad interim appointment ni Sevilla dahil kailangan munang tumupad ni Sevilla at gumawa ng legal na kasulatan kung saan mapupunta sa kanyang mga anak ang bahagi ng sahod nito bilang sustento at dapat ito ay nilagdaan ng heneral at naka-notaryo.


Bago ang nangyaring pagharang sa promosyon ni Sevilla ay humarap ang maybahay nito kasama ang dalawang anak at nananawagan sa CA na huwag i-promote ang kanyang asawa.

Maiyak-iyak na sinabi ni Ginang Tessa na bukod sa pambabae at pananakit ay hindi rin binibigyan ng sustento ang kanilang mga anak at minsan mang nagbigay ay nasa P2,000 lamang.

Panawagan naman ni Zubiri sa mga opisyal na kailangang dumaan sa CA na napakahalaga ng “moral character” at hindi lang ito ang unang pagkakataon na may hindi na-promote dahil may ilan ding kalihim at ambassadors ang hindi naaprubahan ang kanilang mga posisyon dahil sa ‘concubinage’ at mga isyu ng sexual harassment.

Facebook Comments