Promosyon sa PhilHealth officials na may kinakaharap na asunto, kinuwestyon ng mga senador

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado ay sinita ng mga senador ang pag-promote ni PhilHealth President Ricardo Morales sa mga opisyal na sangkot sa katiwalian.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, kabilang sa na-promote na mga opisyal ng PhilHealth ay ang apat na sangkot sa ghost dialysis scam ng Wellmed Dialysis and Laboratory Center na nabunyag noong 2019.

Tinukoy ni Tolentino sina Cheryl Peña, Dr. Rizza Majella Herrera, Dr. Bernadette Lico at Atty. Recto Panti na na-promote bilang department manager III.


Pero paliwanag ni Morales, bagama’t inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ay wala namang naisampang kasong administratibo at kriminal laban sa kanila.

Diin naman ni Senate President Tito Sotto III, may kinakaharap ng graft cases ang nabanggit na mga opisyal kaya nakakadismaya ang katwiran ni Morales na hindi niya alam ang tungkol sa mga kasong ito.

Sinermunan din ni Tolentino si Morales na hindi ipinatupad ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na para malinis ang ahensya ay pagbitiwin ang senior vice president nito at mga board members.

Paliwanag naman ni Morales, may board resolution tungkol dito pero hindi saklaw ang position ng vice president bukod sa mapaparalisa rin ang operasyon ng PhilHealth kung lahat ng vice president nito ay magre-resign.

Facebook Comments