Magpapatupad na rin ng mas mahigpit na seguridad ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga domestic airports sa harap parin ito ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa economic briefing sa Malakanyang sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal, na layunin nitong matiyak na walang pasaherong makalulusot na posibleng carrier ng nakamamatay na sakit mula sa alinmang probinsya ng bansa.
Matatandaang ang Chinese couple na una at pangalawang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay mula sa Wuhan at pumunta pa ang mga ito sa Dumaguete, Cebu at kalaunan ay Maynila, habang ang ikatlong kaso ng COVID-19 na isa ding Chinese National ay nagtungo pa sa Cebu at Bohol.
Sinabi ni Monreal, na hindi nila layong manakot bagkus kapakanan at kaligtasan lamang ng publiko ang kanilang prayoridad.
Sa ngayon, mayroon na aniyang thermal scanner sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 at 4 habang ngayong araw ay malalagyan na rin ng mga thermal scanners ang NAIA terminal 3.